Isang overseas Filipino worker (OFW) mula sa Tapaz ang natulungan ni Mayor Roberto Palomar upang makauwi mula sa Jeddah, Saudi Arabia, sa tulong ng OWWA Administrator Arnell Ignacio.
Si Narcisa Tolentino, 28, ng Barangay Initan, Tapaz, Capiz, ay nailigtas mula sa kanyang employer at nakauwi na sa Pilipinas. Lubos ang pasasalamat ng ina at pamilya ni Narcisa sa mabilis na aksyon ng lokal na pamahalaan ng Tapaz, sa pangunguna ni Mayor Palomar, at sa suporta ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
“Ako po ay taos-pusong nagpapasalamat kay Mayor Roberto Palomar at sa OWWA, lalo na kay Administrator Arnell Ignacio, sa kanilang pagtulong sa aking anak na makauwi nang ligtas,” ayon sa ina ni Narcisa. “Ang aming pamilya ay labis na nagagalak at nagpapasalamat sa kanilang walang sawang suporta at pagmamalasakit.”
Ang pagkilos na ito ay patunay ng malasakit at dedikasyon ng lokal na pamahalaan ng Tapaz sa kapakanan ng kanilang mga kababayan, lalo na ang mga OFW na nagtatrabaho sa ibang bansa upang matulungan ang kanilang mga pamilya.
Si Mayor Palomar ay patuloy na nananawagan sa mga pamilya ng mga OFW na huwag mag-atubiling lumapit sa kanyang tanggapan para sa anumang tulong at suporta na kanilang kinakailangan. “Ang ating mga OFW ay mga bagong bayani ng ating bayan. Nandito po ang ating lokal na pamahalaan upang sila ay suportahan sa abot ng ating makakaya,” wika ni Mayor Palomar.
Photos: MIO Donald Casiple
